tame's futile blurbs

Feb 24, 2012   0 Notes.

ANG MATUWID NA DAAN.

Actually, wala naman talaga ako masyadong pakialam sa gobyerno noon. Medyo bata pa kasi kaya puro eskwela lang ang inaatupag. Pero ngayon na nagtatrabaho na ako at nagabbayad na ako ng buwis, saka ko napagtanto na dapat pala may pakialam ako dahil ako’y Pilipino. Ngayon lang ako gagawa ng politically inclined blog dahil puro tungkol sa lovelife ko ang nilalagay ko dito. Gusto ko sanang i-message c P-noy tungkol sa mga hinaing ko kaso busy pa siya at hindi pa kami masyadong close para pag-aksayahan niya ng panahon ang mumunting reklamo ko.

Nag-uusap kasi kami ng tatay ko kanina. Patungkol ito sa papeles na nilalakad niya sa isang sangay ng gobyerno. Isang simpleng manggagawa lamang ang tatay ko at kumikita ng kakaunting pera. Nagreklamo kasi siya dahil ang tagal daw ng proseso ng papeles niya at baka daw kailangan ng pampadulas para mapirmahan na at matapos. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga ganitong sangay ng gobyerno. Hindi pa ba sapat ang kinikita nila at pati mga simpleng tao na self-employed ay huhuthutan pa ng pera. Sana naman mahawaan sila ng konte ng motto ng pamahalaan na matuwid na daan. Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas at hindi nasusugpo ang kuropsyon dahil dun mismo sa maliliit na sangay ng pamahalaan ay talamak ang ganitong sistema.

Naalala ko tuloy nung estudyante pa ako. ISkolar ako ng pamahalaan. Maliit lang naman ang nababawas sa matrikula ko pero para sa isang mahirap na estudyanteng tulad ko ay malaking tulong na iyon. Sa mga panahong yon ay kailangan kong kumuha ng certification mula sa isang sangay ng gobyerno. Hindi ko lang maintindihan kung bakit parang mga leon ang tao doon. Wala naman ako sa zoo. Ang sasama ng ugali na para bang DIYOS sila. Nakakainis lang kasi kapag pumupunta ako dun parang nanliliit ako sa sarili ko. Kung hindi lang ako naaawa sa magulang ko, siguro hindi na ako bumalik pa dun.

Hay naku, buhay nga naman. Sana maging matuwid na nga ang daan hindi lang ng mga pulitiko kundi pati narin ang mga namumuno at tauhan ng bawat sangay ng gobyerno, malaki man ito o maliit. Hindi man madali ang daan tungo sa pagbabagong ito pero hindi parin ako nawawalan ng pag-asa na uunlad din ang bansa at masusugpo din ang kurupsyon at kahirapang kinasadlakan ng mahal kong Pilipinas.

Sweeetposh Themes